Picture
Source: http://starforallseasons.com/2009/11/13/filmography-anak-2000/
Pangalawang beses ko na ngayon panoorin ang pelikulang Anak. Ang una ay noong isa o dalawang taon ang nakalipas simula nang magbukas ang pelikula sa mga sinehan. Labing-isang taon ang nakalipas ngunit iisa pa rin ang epekto ng pelikulang ito sa akin ngayon – ang pagtulo ng aking luha sa ilang mga eksena. Ang pagkakaiba lang, mas nakita ko ang pelikula ngayon sa teknikal na aspekto at sa mas malalim nitong pagpapakahulugan. 

Pinoy na pinoy ang atake ng pelikulang ito sa kung paano ipinakita ang pagtangkilik ng isang magulang sa pagtatrabaho sa ibang bansa upang mabigyan ng mas magandang buhay ang pamilya kahit pa malayo siya sa mga ito at tiisin ang pangungulila sa kanila. Kasama pa rito ang pagtitiis sa hirap ng trabaho at pakikisama sa tinutuluyang amo.

Isa pa, ipinakita sa pelikula ang mga katotohanang nangyayari sa buhay ng isang OFW. Nariyan ang pagwawaldas ng mga naiwang kaanak sa perang ipinapadala sa kanila. Nariyan din ang pagkakaroon ng love affair nito sa mga nakakasama sa bangsang pinagtatrabahuhan sa kabila ng pagiging pamilyado na nito sa Pilipinas. At nariyan din ang ang pagkakapariwara ng buhay ng isang anak na naiwan sa bansa at ang pagkakaroon nito ng sama ng loob sa magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Stereotypic ang tema ng pelikula. Simple lang at masyado nang karaniwan ang istorya. Pero natabanunan ang pagiging conventional nito ng mga linya at pagganap ng mga karakter. Natural ang pagkakaarte ni Vilma Santos sa ginampanan niyang tauhan bilang Josie. Sa simpleng galaw at pangungusap ng kanyang mga mata, nakuha ko siyang kaawaan. Naramdaman ko ang pangungulila niya sa kanyang mga anak kahit pa katabi niya na ang mga ito. Nadama ko rin ang sakit sa kanyang puso sa tuwing binabalewala siya at binabastos ng kanyang anak na si Carla na ginampanan ni Claudine Barreto kahit pa wala siyang binibitiwang linya at ang tanging sagot niya sa bawat sinasambit ni Carla ay ang kalungkutang makikita sa kanyang mga mata. Sa panig naman ni Claudine, para sa akin, naging effective ang acting skill niya sa pelikulang ito. Naiinis ako sa kanya sa mga eksenang sumasagot siya nang di-makatwiran sa kanyang nanay na para bang gusto kong ako na ang sumampal at manakit sa kanya para kay Josie.

Sa aspektong sinematograpiya, makikitang na-maximize ang paggamit ng iba’t ibang camera angles, perspectives at positions. Para kasi sa akin, mahalaga ang pagiging malaro ng kamera para hindi maging boring ang pelikula. At dahil din nito, nagiging visually-sufficient ang bawat eksena dahil nakadadagdag ito sa gusting iparating ng pelikula sa mga manonood.

Pagdating naman sa editing, naging linear at logical naman ang pagkakasunud-sunod ng eksena. Nakatulong sa pagiging meaningful na pelikula ang mga flashbacks na ginamit. Para bang sa bawat tanong na pumapasok sa aking isip sa bawat eksena, ang mga flashbacks ang sumasagot sa mga ito. Dahil dito mas naging cinematic ang dating ng pelikula dahil sa technique na ito. 

Mas pinaigting naman ng tunog at musika ang emosyon sa bawat eksena ng pelikula. Dahil sa elementong ito nagkaroon ng kulay at mas ramdam ang galaw at arte ng mga artista.

Sa pelikulang ito, ipinakita rin ang pagbabago sa traditional family system na kung saan ang padre de pamilya ang dapat na nagtatrabaho para kumita at ang babae ang siyang nasa bahay at nag-aalaga sa mga anak. Ang tatlong OFW sa pelikula ay kapwa mga babae. Sa pamamagitan nito, ipinarating ng pelikula sa mga manonood na ang mga babae ang mas kayang magsakripisyo para sa ikabubuti ng pamilya kaysa sa mga kalalakihan. Ang mga babae ang mas malasakit sa pamilya dahil kinakaya nila ang pangungulila at pagod kapalit ng maayos na buhay ng mga naiwan sa kinalakihang bayan.

Sa pamamagitan din ng pagkakapariwara ng buhay ni Carla, naipakita na malaking kawalan ang paggabay ng isang ina. Ipinapakahulugan din na malaki ang pagkakaiba ng pag-aaruga ng isang ama at ang naibibigay na epekto nito sa mga anak sa pagpapalaki ng isang ina. [V]